LAGUNA- HINDI na magagawang magsimba at makipagprosisyon ng isang 82-anyos na lola makaraang mabundol ng isang SUV habang tumatawid sa pedestrian lane sa tapat ng kapilya ni San Andres sa Alaminos kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si lola Yolanda Cuenca, kilalang panatiko ni Poong San Andres at residente ng Barangay San Andres ng naturang bayan.
Base sa pagsisiyasat, araw ng Kapistahan ng nasabing Patron nang pinilit humabol ng biktima sa prosisyon dakong alas-4 ng madaling araw.
Sa kuha ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng insidente, makikitang marahan tumatawid ang biktima sa pedestrian lane na nasa tapat ng simbahan nang biglang dumating ang humaharurot na SUV at tinumbok ang biktima.
Sa iba pang anggulo na kuha ng CCTV, nakita rin ang hindi paghinto ng driver ng SUV at dire-diretso itong nagmaneho ng matulin para takasan ang nakahandusay na matanda.
Ayon naman sa maraming magsisimba na nakakita sa insidente, tumilapon ng may 20 metro ang biktima na nagulungan pa ng ilang sasakyan na dumaraan.
Humihingi ng hustisya at tulong sa mga awtoridad ang pamilya ng nasawi para sa agarang paghuli sa tumakas na driver.
Agad naman ipinag- utos ni Col. Harold Depositar, Laguna police director ang isang manhunt operation para sa mabilis na pagdakip sa SUV driver. ARMAN CAMBE