(83 missing, 31 ang sugatan) DEATH TOLL SA MACO LANDSLIDES LUMOBO SA 10

PINANGANGAMBAHANG lumobo pa ang nasawi sa massive landslide sa Zone 1, Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.

Ito ay nang iulat kahapon, as of 3PM ng Police Region 11 na 83 katao pa ang nawawala, habang 10 ang kumpirmadong nasawi at 31 naman ang nailigtas subalit pawang sugatan.

Ayon sa local Office of Civil Defense, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang rescue Operations ng Eastern Mindanao Command katuwang ang mga provincial rescue teams para sa mga nawawala ng APEX Mining na na-trap sa nasabing landslides kung saan may dalawang bus din ang natabunan.

Habang nasa pitong katao na ang inulat na nasawi na nakuha sa ilalim ng guho ayon sa EASTMINCOM.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Exec. Dir. Usec. Ariel Nepomuceno, nagtutulong-tulong ang mga kinauukulang ahensya upang marekober ang mga biktima kasunod ng mahigpit na tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanapin at iligtas ang mga nawawala o na trap sa pagragasa ng bato at lupa bunsod ng nararanasang tuloy tuloy na pag ulan dala ng shearline at buntot ng low pressure areas.

Sa ngayon, ani Nepomuceno, 19 ang binabantayang sugatan kung saan tatlong indibidwal ang napaulat na nasa kritikal na kondisyon.

Nasa 430 pamilya o katumbas ng 1,590 indibidwal mula sa 3 Brgy. sa Maco, Davao de Oro ang apektado ng landslide kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa 5 evacuation centers.

Nakapagtala rin ng 62 na totally damaged na mga kabahayan.

Samantala, nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na P190 milyon na tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala bukod sa naganap na pinakahuling pagguho ng lupa sa bayan ng Maco umaabot na sa 78 landslides incidents at 70 flooded ang naitala sa mga lalawigang sakop ng Davao at Caraga Region kung saan ay nasa 16 katao naman ang inulat na nasawi at lima ang sugatan. VERLIN RUIZ