845 KANDIDATO SA MAY POLLS WALANG KALABAN

AABOT sa 845 posisyon sa gobyerno na hinahangad na masungkit ng mga kandidato sa nalalapit na May 9 national at local elections ang walang kalaban o unopposed.

Nabatid ito mula kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia.

“Yung total number of unopposed candidates per elective position, sa local elections, we have 845 unopposed candidates and number of seats involved ay 18,023,” pahayag ni Garcia.

“All in all 845 positions in the entire country are unopposed,” dagdag nito.

Tinukoy ni Garcia na 39 sa 253 upuan sa House of Representatives ang walang kalaban, siyam naman sa 81 sa pagka-provincial governors at 11 sa 81 sa pagka-provincial vice governors ang unopposed gayundin ang 45 sa 782 para sa Sangguniang Panlalawigan.

Samantala, 203 sa 1,634 na kumakandidatong city at municipal mayor ang unopposed habang 254 sa 1,634 sa pagka-vice mayor, at 284 sa 13,558 na tumatakbong city at municipal councilors ang walang kalaban.

Nauna na ring umapela ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa mga kuwalipikadong indibidwal na kumandidato dahil marami sa mga tumatakbo ngayon ang walang kalaban. Jeff Gallos