85 KATAO SINAGIP SA NASIRANG MOTOR BOAT

TAWI-TAWI- WALONGPUT LIMANG katao mula sa isang distressed vessel ang sinagip at pinakain ng mga tauhan ng Philippine Navy kasunod ng ginawang rescue operation sa gitna ng dagat sa lalawigang ito.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command (FOIC) Vice Admiral Toribio Adaci Jr., nagsagawa ng rescue operation ang kanyang mga tauhan mula sa patrol craft BRP JOSE LOOR SR (PC390) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Naval Forces Western Mindanao para hanapin at iligtas ang mga sakay ng isang motor boat .

Ayon kay Naval Public Affair Office chief Commander Benjo Negranza, nasa 78 passengers at pitong crew ang sakay ng distressed vessel nang matunton ng BRP Jose Loor Sr. sa karagatang sakop ng Tawi-Tawi.

Base sa isinumiteng ulat ni Lt. Chester Ross A. Cabaltera, acting Public Affairs Officer, Naval Forces Western Mindanao, nakatanggap ng distressed call ang PC390 hinggil sa isang lantsa na nasiraan ng makina sa may Sibutu Passage.

Matapos na makatanggap ng emergency call ay agad na dineploy ng Naval Task Force 61 ang PC390 mula Lamion Wharf sa Bongao, Tawi-Tawi, para pasimulan ang maritime search and rescue mission.

Nakipag-ugnayan ang PC390 sa Navy’s Littoral Monitoring Station Bongao para matukoy ang eksaktong lokasyon ng distressed vessel sa may Sibutu Passage.

Bandang tanghali ay natunton na sa radar at nagkaroon ng visual contact Motor Launch DHIEMAL ang mga naghahanap na tauhan ng Philippine Navy sa may 9 nautical miles southwest ng Bakalao Point, Sibutu, Tawi-Tawi.

Agad na nagawang malapitan ang Motor Launch DHIEMAL at hinatak ito papuntang Bongao, Tawi-Tawi. Ang Motor Launch DHIEMAL na pinangungunahan ng isang Ramal Hji Mallih na may sakay ng 85 katao kabilang ang pitong tripulante nito.

Sinasabing nagmula sa Tandu Banak, Sibutu at papunta sana ng Bongao, Tawi-Tawi nang maganap ang insidente.
VERLIN RUIZ