85-MAN RESCUE TEAM NASA TURKEY NA

NAGPAABOT ng kanilang pasasalamat ang Turkish government sa Pilipinas sa mabilis na pagtugon sa panawagan na tulong para sa mga kababayan nasalanta ng magnitude 7.8 earthquake nitong Lunes.

Pasado alas-12 ng tanghali kahapon ay dumating sa Istanbul ang Philippine government’s multi-agency earthquake response team diretso mula Ninoy Aquino International Airport.

Bago lumipad ang binuong multi agency response team papuntang Turkiye ay pinasalamatan ni Turkish ambassador Niyazi Evren Akyol ang Pilipinas dahil sa pagpapadala nito ng 85-member team na tutulong sa mga biktima ng lindol na tumama sa Turkey.

Tinawag ng Turkish envoy na mga bayani ang nasabing rescuers dahil hindi nasusukat sa bilang ang pagtulong.

Sinabi pa ni Akyol na dapat ipagmalaki ng Pilipinas ang mga rescuer na nagtungo sa nasabing bansa.

Magugunitang nanawagan ng tulong ang Turkish government sa International community kasunod nang malakas na lindol na tumama sa kanila na sinasabing nasa 7,000 na ang bilang ng mga nasawi.

Kaya’t bago maghatinggabi nitong Miyerkules ay bumiyahe na papuntang Turkey ang 85-man inter-agency response team na mga sinanay sa urban search and rescuers, doctors, mga sundalo at airmen na bihasa sa collapsed building search and rescue bitbit ang kanilang mga instrumento at kagamitan.

Magtatagal ng hanggang tatlong linggo ang rescuers ng bansa at papalitan ng ibang grupo sakaling mapalawig ng gobyerno ang kanilang rescue efforts.

Samantala, nagpahayag din ng kanilang simpatiya ang International Committee of the Red Cross (ICRC) sa mga biktima ng lindol sa Turkey at maging sa kalapit na bansa ng Syria.

“We wish to express our deep sympathy and solidarity with all those who were affected by the deadly earthquake that struck southern Turkey overnight Sunday to Monday. In Syria, the earthquake adds a layer to the humanitarian tragedy that has been ongoing for 12 years,” ayon kay Fabrizio Carboni, Near and Middle East regional director for the International Committee of the Red Cross.

“I also salute the volunteers of Turkish Red Crescent Society and the Syrian Arab Red Crescent who are the first responders but also victims themselves. Their selfless dedication to humanitarian action is formidable,” dagdag pa nito. VERLIN RUIZ