MAYNILA – NASA 85 na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na kumpirmadong dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa may apat na bansa sa buong mundo.
Sa isang press briefing noong Biyernes ng hapon, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sa naturang bilang 80 ang kabilang sa mga Pinoy na sakay ng cruise ship na MV Diamond Princess sa Japan; dalawa ang nasa United Arab Emirates (UAE); dalawa sa Hong Kong at isa naman ang nasa Singapore.
Ayon kay Duque, sa 80 Pinoy na nagkasakit sa Japan, 70 ang kasalukuyan pang naka-confine sa pagamutan at nilalapatan ng lunas.
Nasa 10 naman na aniya ang na-discharged na, matapos na gumaling sa sakit at walo sa kanila ang nakauwi na sa Filipinas ngunit masusi pa ring isinasailalim sa monitoring.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, kamakalawa dumating ng bansa ang mga nakarekober na Pinoy mula sa cruise ship.
Pagdating sa bansa ay kinuha umano kaagad ang mga mahahalagang detalye mula sa mga Pinoy dahil kailangan pa rin silang mabantayan.
Aniya, sa ngayon ay itinuturing na persons under monitoring (PUM) ang walong nakarekober na Pinoy. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.