MAYNILA – IPINAGDIRIWANG ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ika-85 anibersaryo tampok ang mga programa at serbisyong naipatupad ng departamento sa pamamagitan ng pagsusumikap at pagpupunyagi ng mga kawani nito.
Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, kasama ang mga opisyal at kawani ng DOLE noong Lunes ang pag-sisimula ng isang linggong pagdiriwang sa ginanap na pagbubukas ng DOLE Photo Exhibit, kung saan itinampok ang pagbabalik-tanaw sa mga ipinatupad na programa at serbisyo ng departamento sa loob ng mahigit walong dekada nitong pagbibigay serbisyo.
“Ang aming ika-85 taong anibersaryo ng pagkakatatag ay tunay ngang isang malaking okasyon na dapat ipagdiwang sa mahabang taon na pagbibigay-serbisyo sa mga manggagawang Filipino. Nais naming pasalamatan ang pagpupunyagi ng ating mga kasama, gayundin ang suporta ng ating mga social partner sa pagtupad ng ating mandato,” ani Bello.
May temang “Kaagapay sa Matapat, Malinis at Maasahang Serbisyo,” tinatampok din sa pagdiriwang ang muling pagpapatibay ng departamento sa pangako nitong itataguyod ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Filipino ng may dangal at mataas na uri ng pagsisilbi.
Ilan sa mga pangunahing ginawa ng DOLE ay ang pagtatagumpay laban sa ilegal na kontraktuwalisasyon, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas paggawa at pamantayan, at ligtas at malusog na lugar-paggawa. Pinagbuti rin ng labor department ang serbisyo sa pangangalaga sa kalagayan at interes ng mga overseas Filipino worker.
Ngayong araw, libong kawani ng DOLE mula sa services, bureaus, attached agencies, regional office, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan at panauhin ang magsasama-sama sa Philippine International Convention Center para sa isang araw ng selebrasyon, magkakaroon din ng raffle draw at entertainment show.
Paparangalan naman ng loyalty award ang mga kawani ng DOLE na nagtatrabaho sa departamento ng mahigit 25 taon bilang pagkilala sa kanilang pagpupunyagi at dedikasyon sa serbisyo publiko.
Magkakaroon din ng natatanging special job and opportunities fair, sa pagtutulungan ng DOLE at 30 Rotary Clubs ng District 3830, para sa Person with Disability sa Disyembre 5 sa Quezon City Hall, kung saan may mahigit 1,000 bakanteng trabaho.
Nagsimula ang labor department bilang maliit na bureau noong 1908 at naging departamento ng Disyembre 8, 1933 sa bisa ng Commonwealth Act No. 4121. Noong 1980, ito ay binigyan ng bagong pangalan na Ministry of Labor and Employment, at muling pinangalanan na Department of Labor and Employment matapos ang 1986 EDSA Revolution.
Pinapangasiwaan nito ang limang bureau, 11 attached agencies, 16 regional offices, 36 overseas offices at may 6,665 kawani. PAUL ROLDAN
Comments are closed.