86.2% COVID PATIENTS ‘DI PA BAKUNADO

Jonas del Rosario

KINUMPIRMA  ni Philippine General Hospital (PGH) Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario na 86.2% ng mga tinatanggap na COVID-19 patients sa kanilang pagamutan ay hindi pa bakunado laban sa COVID-19.

Ayon kay Del Rosario, sa kasalukuyan ay 70% na o 154 sa kabuuang 225 COVID-19 hospital beds nila ang okupado na.

Aniya, sa 108 adult COVID-19 patients na naka-admit sa pagamutan ay 86.2% ang hindi pa bakunado.

Samantala, nasa 11% naman ang partially vaccinated at 2.8% naman ang fully vaccinated na.

Aniya, ang mga bakunadong pasyente nila ay dinapuan lamang ng moderate cases ng COVID-19 habang ang mga hindi bakunado naman ay dinapuan ng moderate hanggang severe at critical na karamdaman.

Matatandaang hinihikayat ng pamahalaan ang mga mamamayan na magpabakuna na laban sa COVID-19 upang hindi sila dapuan ng virus.

Aminado naman ang Department of Health (DOH) na hindi makapagbibigay ng full protection ang mga bakuna laban sa impeksiyon ngunit mapoprotektahan naman umano sila upang hindi dapuan ng malalang karamdaman at makaiwas rin sa kamatayan dulot ng kumplikasyon ng virus.

Ang PGH ang pinakamalaking COVID-19 referral hospital sa bansa.

Umaabot pa sa 7,342 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng DOH sa bansa hanggang Agosto 4.

Batay sa case bulletin no. 508 na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 1,619,824 ang naitatalang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Gayunman, sa naturang kabuuang bilang, 3.9% na lamang o 63, 171 ang nananatiling aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa naturang active cases, 94.1% na mild cases, 2.0% na severe, 1.42% na moderate, 1.3% na asymptomatic, at 1.2% na critical.

Mayroon namang 7,285 pasyente ang bagong gumaling sa karamdaman.

Sanhi nito, umaabot na ngayon sa 1,528,422 ang total COVID-19 recoveries ng bansa o 94.4% ng total cases.

Nasa 90 naman ang iniulat ng DOH na nadagdag sa bilang ng mga pasyente na sinawimpalad na binawian ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa ngayon, umaabot na sa 28,231 ang COVID-19 death toll ng bansa o 1.75% ng total cases.

Samantala, ayon sa DOH, mayroon namang 59 duplicates ang inalis nila mula sa total case count, kabilang ang 52 recoveries.

Nasa 23 kaso naman na unang tinukoy na recoveries ang malaunan ay na-validate na aktibong kaso pa pala.

Mayroon din 51 kaso ang unang naiulat na gumaling na sa karamdaman ngunit malaunan ay natuklasang binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon. Ana Rosario Hernandez

4 thoughts on “86.2% COVID PATIENTS ‘DI PA BAKUNADO”

Comments are closed.