MAHIGIT 800 private schools na ang nagsara ngayong school year 2020-2021 dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig sa 2021 budget ng Department of Education (DEPED), sinabi ni Usec. Jesus Lorenzo Mateo na tinatayang aabot sa 865 pribadong paaralan na ang nagsuspinde ng kanilang operasyon ngayong pasukan.
Karamihan, aniya, sa mga private school na nagsara ay elementary school.
Samantala, sa pagtatanong ni Baguio Rep. Mark Go ay nabatid na aabot sa 55,807 ang mga bakanteng posisyon ngayong taon sa DepEd.
Ayon kay Mateo, may 988,567 na plantilla positions sa buong bansa ang ahensiya at target nilang kumuha ng mas marami pang guro na makatutulong sa blended at flexible learning.
Humihingi naman ng pondo ang DepEd para mag-hire ng karagdagang 10,000 personnel upang mapanatili ang pupil to teacher ratio.
Inirekomenda ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado sa DepEd na bigyan ng P3,000 monthly allowance ang mga guro upang matiyak na makakapag-deliver ng kanilang lessons gamit ang digital platform.
Umabot naman sa 88% ang enrollment rate ng DepEd ngayong school year 2020-2021.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na 24.4 million na ang bilang ng mga learner na nag-enroll para sa pasukan sa Oktubre 5 kung saan 22 million o 98% dito ay enrollees sa puboic school.
Umangat naman sa 48% ang mga estudyanteng nag-enroll sa private schools sa ilalim pa rin ng ipatutupad na blended learning.
Ang 2021 budget ng DepEd ay tumaas ng 9.17% o P568 billion kumpara sa P520 billion na pondo ngayong taon. CONDE BATAC
Comments are closed.