MAYNILA-HALOS 86,000 overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang napagkalooban na ng tulong ng pamahalaan sa ilalim ng AKAP program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa DOLE, ang kanilang Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) sa buong mundo at mga tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa bansa ay nakatanggap na ng 336,809 requests for assistance mula sa onsite at repatriated OFWs hanggang nitong Mayo 1.
Sa kabuuang aplikasyon, 85,849 OFWs ang kuwalipikado at napagkalooban ng ‘one-time na P10,000’ o $200 cash assistance mula sa P1.5-bilyong emergency aid program para sa OFWs, na na-displaced mula sa kanilang trabaho dahil sa lockdown sa mga bansang kinaroroonan o di kaya’y istranded sa community quarantine sa Pilipinas.
“Of the approved requests, 54,602 were processed on-site or in various POLOs and 31,247 were evaluated by OWWA,” anang DOLE.
Ang bilang ng naaprubahang ayuda, mula sa land at sea-based workers, ay kumakatawan sa mahigit 50 porsiyento nf target beneficiaries ng DOLE na 150,000 OFWs.
Sa kasalukuyan, ayon sa DOLE, ay nakapag-disburse na sila ng P482.9 milyon para sa 47,239 kuwalipikadong OFWs.
Nabatid ang pay-outs naman ng POLOs sa may 26,500 OFWs ay nasa P275.6 milyon na.
Kumakatawan ito sa 40 porsiyento ng inilaang budget.
Para naman sa mga pinauwing manggagawa o balik-manggagawa, inaprubahan ng OWWA ang may 31,247 beneficiaries at nai- release sa may 20,739 OFWs ang halagang P207,300,000, na nasa 41 porsiyento ng budget na inilaan para sa mga repatriates.
Ayon sa DOLE, bukod sa displaced migrant workers, maaari ring makatanggap ng AKAP assistance ang mga OFWs na pinauwi sa bansa dahil infected o hinihinalang dinapuan ng virus.
Ang mga OFWs naman na istranded sa kanilang job sites o nakakaranas ng “no work, no pay” dahil sa pandemic simula pa noong Marso 1 ay makakatanggap rin umano ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.