INIHAYAG ng Korte Suprema na aabot sa 8,701 ang nakatakdang kumuha ng Bar Examinations ngayong buwan ng Nobyembre.
Nabatid na ang nasabing bilang na kukuha ng Bar exam ang pinayagan ng Office of the Bar Confidant na kumuha ng pagsusulit sa taong ito.
Pangungunahan ni Associate Justice Mariano del Castillo, chairman ng Bar Exams Committee ang preparasyon para sa pagsusulit.
Gayundin, mayroong sampung bus na ipakakalat ang SC para sa examinees at duty personnel sa iba’t ibang lugar sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan.
Simula alas-4:30 ng umaga ay iikot na ang mga bus mula sa mga sumusunod na lugar gaya ng Quezon City Memorial Circle malapit sa Philippine Coconut Authority na kung saan dalawang bus ang maghihintay; Park and Ride, Lawton sa Manila naman ay isang bus; SC New Building compound, Taft Avenue ay dalawang bus; Greenbelt at Glorietta, Ayala Center sa Makati ay may dalawang bus; at Marikina Sports Complex ay isang bus.
Kabilang din sa mga ipatutupad ay ang liquor ban at no parking policy sa paligid ng University of Santo. Tomas.
Nabatid na sa 7,227 na kumuha ng Bar Exams noong 2017 ay 25.5 porsiyento lamang o 1,724 ang nakapasa.