872 PULIS BEI SA 4 PROBINSIYA NG MINDANAO

UMABOT sa 872 pulis ang umaktong Board of Election Inspector (BEI) sa iba’t ibang barangay sa Mindanao.

Sa regular Monday press briefing na pina­ngunahan ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Alba­yalde, sinabi nito na ang apat na lugar sa Minda­nao ang nilagyan ng mga pulis para maging BEI.

Ang mga nabanggit na lalawigan ay ang Sulu, Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur.

Ang paglalagay ng mga pulis bilang BEIs sa nasabing mga lalawigan ay nang ilagay ito sa control ng Commission on  Elections (COMELEC) o itinuturing na election hotspot dahil sa posibilidad na karahasan doon.

Isa naman sa mga dahilan kung bakit mga pulis ang umaktong BEI sa mga nabanggit na pro­binsiya ay dahil mismong mga guro ang umayaw na maging elections inspectors.

Samantala, tiniyak naman ni Albayalde na may sapat na training ang 872 pulis para mangasiwa sa halalan.

Sa Mindanao area ay mayroong mahigit 1,000 na pulis ang sinanay ng COMELEC  habang wala namang eksaktong numero para sa Metro Manila.

Nilinaw naman ni Albayalde na walang armas ang mga pulis na BEI at kumpleto ang mga uniporme nito.

“Batay sa ruling, hindi puwedeng may armas, naka-uniporme sila subalit kung reresponde sa kaguluhan ay saka lamang sila may awtoridad na mag-dala ng armas,” ayon kay Albayalde.

Batay pa rin sa ipinatutupad na ruling, dalawang pulis kada voting precinct ang deployment na may kabuuang 160,000 policemen sa halos 42,000 ba-rangay sa buong bansa.

KOMOSYON SA DATU SAUDI AMPATUAN, MAGUINDANAO, GURO HINARANG

Ito ay nang harangin ng isang grupo ang mga guro na may dalang mga ballot box ng mga botante.

Sinabi ni Col. Gerry basana, Civil Military Operations ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, nais ng mga residente na ilipat ang botohan mula sa Brgy.  Madia patungo ng Brgy. Dapiawan.

Dahil sa insidente, naantala ang botohan at itinakda ng alas-12 ng tanghali.

Agad naman aniyang nakialam ang mga nagbabantay na militar at pulis sa pamumuno ni Brig. Gen. Diosdado Carreon ng 601st Brigade.

31 POLLING PRECINCTS SA CAVITE INUPUAN NG 62 PULIS

Maging sa Cavite ay idineploy  rin ang mga pulis bilang board of election inspectors (BEI) sa 31 polling precincts ng mga barangay ng Datu Ismael at H-2 sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng Calabarzon o Region 4-A police, dalawa sa kada tatlong miyembro ng BEI sa bawat presinto ang pulis, habang ang nagsisilbing chairman ng BEI ay isang guro.

Samantala, ayon sa Region 4-A police na wala pa silang naitatalang election-related violence. Umaasa si Eleazar na mananatiling matiwasay ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.    EUNICE C.

Comments are closed.