8K COVID-19 TEST ‘DI KAKAYANIN-DOH

BIGO ang Department of Health (DOH) na maabot ang target na 8,000 daily COVID-19 tests simula ngayong araw, Abril 30.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy silang gumagawa ng mga pamamaraan upang maabot ang naturang target sa mga susunod na araw.

“Marami pong nangyaring issue this past week like ‘yung RITM isang linggong na-down but anyway, itong ating goal ay ating pilit na aabutin these coming days,” pagtiyak pa niya.

Matatandaang sinabi ng DOH na layunin nilang mapataas ang COVID testing capacity ng bansa hanggang ngayong Abril 30, sa pamamagitan nang pagtatayo ng mas maraming laboratory centers.

Gayunman, bumagal ang pagproseso ng COVID-19 tests sa  Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos na ilang staff nito ang pinaghinalaang dinapuan na rin ng virus.

Nabatid na ang government-accredited laboratories ay may testing capacity na 6,320 sa nakalipas na tatlong araw ngunit ang aktuwal na pagsusuri ay may average lamang na 4,443 kada araw. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.