GENSAN CITY-UMAABOT sa 8,000 obrero ang mawawalan ng trabaho makaraang ipinatupad ang lockdown sa General Santos City Fishport Complex noong Miyerkules.
Sa pahayag ni SOCCSKSARGEN Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII) Executive Director Rosana Contreras, maapektuhan ang libo-libong fish traders at manggagawa sa fish port kung saan aabot sa P400 milyong kita ang mawawala sa fishport complex dulot ng mga naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) dito.
Kasabay ng lockdown sa fishport, isasagawa ang malawakang contact tracing at disinfection sa lahat ng market areas sa nasabing lugar.
Kabilang sa maapektuhan ng lockdown ay ang operasyon ng Market 1, 2 at 3 kung saan hindi bababa sa 520 metric tons ang idinidiskargang fish catch kada araw.
Nauna nang nagpatupad ng istriktong health protocols ang lokal na pamahalaan at Philippine Fisheries Development Authority sa naturang pasilidad kamakailan na kung saan hindi pinapapasok ang mga taong walang ‘bar code’ na inisyu mula sa PFDA.
Mahigpit ding ipinatutupad sa lugar ang minimum health standards partikular na ang social distancing, pagsuot ng face mask at face shield. MHAR BASCO
Comments are closed.