8K PARAK IKAKALAT SA MAYNILA

TITIYAKIN ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang seguridad at kaayusan sa gaganaping inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30 kaya aabot sa 8,000 pulis ang itatalaga sa lugar na pagdadausan nito sa Maynila.

Ayon kay MPD chief Police Brigadier General Leo Francisco, magbibigay din ng karagdagang deployment ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine National Police – National Headquarters sa kanilang hanay upang paigtingin ang ipapatutupad na seguridad sa National Museum, sa Maynila.

Aniya, sa MPD lamang ay mayroong 4,400 na mga pulis at lahat ay ipapakalat para sa nasabing inagurasyon.

Habang ang NCRPO at National Headquarters ay magpapadala pa ng karagdagang deployment na madedestino at magbabantay ng seguridad at kaayusan sa Hunyo 30.

Sinabi pa ni Francisco na sa ngayon ay wala namang namomonitor na banta sa kaligtasan kaugnay sa oath-taking ni Marcos Jr., gayunpaman nakaalerto pa rin ang kanilang hanay ukol dito.

Dagdag pa ni Francisco, ang kahabaan ng P. Burgos Street at Kalaw Avenue mula Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard ay pansamantalang isasara sa trapiko para sa inagurasyon.

Magkakaroon naman ng rerouting para sa mga motorista, ayon pa sa kanya.

Habang ang mga militanteng grupo na nais magsagawa ng programa o rally ay maaring gamitin ang mga freedom park. PAUL ROLDAN