SIMULA sa susunod na linggo ay asahan na ang mas mahirap na pagbubook para sa pagsakay gamit ang Grab app.
Ito ay makaraang ianunsiyo ng Grab Philippines na aabot sa 8,000 transport network vehicle services (TNVS) units ang kanilang ide-deactivate sa Lunes, Hunyo 10, dahil sa pagkabigong magsumite ng katibayan na may provisional authority (PA) sila mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aminado si Grab president Brian Cu na makaaapekto ito sa kanilang operasyon dahil mababawasan ang mga sasakyan sa kanilang fleet.
“This will reduce the number of vehicles servicing our commuting public, thus inconveniencing many Filipinos,” wika ni Cu.
Gayunman, umaasa si Cu na mamadaliin ng LTFRB ang pagbubukas ng panibagong 10,00 slot para sa mga TNVS.
Noong Disyembre ng nakaraang taon ay binuksan ng LTFRB ang 20,000 slots at ang mga driver na nag-apply ay may hanggang Hunyo 7 para makumpleto ang requirements.
Sa kasalukuyan, ang Grab ay may 45,000 TNVS partners. Ang pagsibak sa mga hindi nakapagsumite ng kanilang PA ay may katumbas na 100,000 rides sa isang araw.
“At the end of the day, many Filipinos will suffer from this painful step–both the drivers and the passengers. We would want to avoid this from happening, but we are bound to comply with our regulator,” ani Cu.
Comments are closed.