NAGBABALA ang Philippine Association of Hog Raisers Inc. (PAHRI) kamakailan na napipintong maapektuhan ang 8 milyong baboy sa bansa ng African Swine Fever (ASF) kung maaantala ang financial assistance ng Department of Agriculture sa hog raisers.
Pahayag ni Nicanor Briones, vice president ng PAHRI, ang pangakong P3,000 bawat apektadong baboy ay hindi dumating sa oras kaya itinapon ng hog raisers ang kanilang patay na baboy sa ilog.
“Una ‘yung pera. Nag-start ‘yung problema ng Aug. 17. Ano na ngayon, October. Ilang buwan na, wala silang pondo na ibinabayad sa tinatamaan. At ang ginagawa utang,” banggit ni Briones.
“Paanong mangyayari na magsu-surrender ang magbababoy eh, tatatlong libo na, uutangin pa. Ang pagbabayad sa Pampanga ay sa December pa magbabayad. Malaking kalokohan,” diin niya.
“Huwag tayong umasa na matitigil ang ASF kung ganyan ang sistemang ginagawa ng Department of Agriculture. Dapat bayaran nang tama, bayaran agad. Kung hindi, gaya sa sinasabi ko, puwede in three months’ time, aabot sa walong milyon na baboy,” dagdag pa ni Briones.
Nagbigay ng suhestiyon ang AGAP partylist representative na si Rico Geron na dagdagan ng Agriculture Department ang halaga sa 70% ng market value na bawat na-cull na baboy, sabay banggit sa halaga ng pampataba ng baboy na nasa P10,000 hanggang P12,000 bawat ulo.
Ang P3,000 tulong pinansiyal ay hindi man lamang aabot sa kalahati ng market value ng bawat hayop, banggit ng lawmaker sa nasabing forum.
Nanawagan din si Geron sa gobyerno na tigilan na ang pag-import ng pork products.
“Doon sa ating panawagan na itigil ang pag-import. Alam n’yo ho ‘yung konsepto na kayo ay nagwawalis ng inyong bakuran dahil marumi, tapos ‘yung kapitbahay mo ay kita mong doon tinatapon ang basura niya,” ani Geron.
“Linisin muna natin at patigilin muna natin ‘yung potential na magdadala ng sakit dito sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Comments are closed.