NAGBABALA kahapon ang isang eksperto na halos isang milyong business process outsourcing (BPO) o call center workers ang mawawalan ng trabaho sa mga susunod na taon dahil sa automation.
Ayon kay Asian Institute of Management professor Christopher P. Monterola, PhD, nasa 800,000 call center employees ang magiging jobless sa loob ng limang taon sanhi ng artificial intelligence (AI) na nag-o-automate sa workplace.
Ani Monterola, mas madali at epektibong magagampanan ng AI machines ang trabaho ng mga call center worker.
Taliwas, aniya, sa naunang pagtaya na 20 porsiyentong pagtaas kada taon, ang bilang ng mga nagtatrabaho sa BPO ay bumababa.
Iminungkahi niya na dapat mag-aral ng ibang skills ang mga BPO worker upang makakuha ng ibang trabaho sa sandaling tuluyan nang sakupin ng AI ang workplace.
Bagama’t ang ‘AI invasion’ sa workplace ay tunay na isang banta, naniniwala si Monterola na ang sitwasyon ay maaaring maging isang magandang pagkakataon para makalikha ng mas marami pang uri ng trabaho sa hinaharap.
Comments are closed.