8M PAMILYA WALA PANG CASH AID

CASH AID-2

TINATAYANG  aabot sa humigit-kumulang walong milyong pamilya ang hindi pa nabibigyan ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.

Sa virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee ng Kamara, sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na nasa 10.1 million households pa lang mula sa target na 18 milyong pamilya ang nakatanggap ng ayuda.

Mula kahapon ay nasa P53.8 billion pa lamang ng first tranche ng P100-B  na ayuda ang naipamahagi sa mga benepisyaryo.

Kabilang sa mga nakatanggap na ng alokasyon ay ang 85% ng 4Ps, 45% ng target TNVS at PUV beneficiaries at 47% ng non-4Ps na mula sa low-income families.

Hindi naman ipinaliwanag ng DSWD kung bakit hindi pa nakumpleto kahapon ang pamumudmod ng first tranche ng financial aid gayong April 17 pa naipalabas  ng Budget Department ang nasa P196-B  na pondo ng SAP.

Ngayong Mayo naman ay inaasahang ipamamahagi na ang 2nd tranche na P100-B.

Samantala, inirekomenda  ni sub-committee on Social Amelioration co-chairman Lucy Torres-Gomez na palawakin ang target beneficiaries ng SAP para sa buwan ng Mayo.

Umapela si Gomez na gawing 20 million ang target beneficiaries.

Ipinarerekonsidera ni Gomez ang aniya’y “newly poor” na nabibilang sa 9 million low-income families at 6.4 million lower middle income families.

Giit ng lady solon, ang P100 billion allocation para sa buwan ng Mayo ay maaaring hatiin sa 20 million beneficiaries.

Nangangahulugan lamang ito na magiging uniform na para sa lahat ng beneficiaries ang halaga na makukuha mula sa SAP kung saan magiging P5,000 na ang matatanggap ng lahat ng benepisyaro.

Inirekominda rin ng mambabatas na simplehan at gawing madali ang proseso sa pagkuha ng ayuda upang mapasama ang lahat ng benepisyaryo.

Magugunita na noong Abril, P5,000 hanggang P8,000 ang natanggap ng SAP beneficiaries,  depende ito sa regional wage rates. CONDE BATAC

Comments are closed.