8TH WIN SA LADY EAGLES

lady eagles

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

8 a.m. – DLSU vs UE (Men)

10 a.m. – UST vs FEU (Men)

2 p.m. – AdU vs NU (Women)

4 p.m. – DLSU vs UST (Women)

NAGBUHOS si Kat Tolentino ng 15 points nang mapalawig ng Ateneo ang kanilang  winning run sa walong laro kasunod ng 25-23, 25-16, 25-23 pagdispatsa sa  University of the Philippines sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa harap ng may 11,943 fans sa Mall of Asia Arena.

Matikas na nakihamok ang Lady Maroons kung saan umabante ito sa 20-18, bago tinapos ng Lady Eagles ang laban sa pamamagitan ng isa na namang straight sets win, tampok ang ‘kill’ ni Jules Samonte.

Nauna rito ay kuminang sina Ivana Agudo at Jerrili Malabanan sa deciding set nang malusutan ng Far Eastern University ang University of the East, 25-15, 16-25, 12-25, 25-22, 17-15.

Sa panalo ay humigpit ang kapit ng Ateneo sa liderato na may 8-1 kartada at nakumpleto ang elimination round head-to-head sweep sa UP.

Nakakuha rin ang Lady Eagles ng 10 points mula kay Maddie Madayag,

“We are happy that we won. We really prepared for this,” wika ni Lady Eagles mentor Oliver Almadro. “Kailangan ng consistency pa.”

Nagtala si Tots Carlos ng 8 points at 12 receptions,  habang kumana sina Mariam Buitre at Justine Dorog  ng tig-6 na hits para sa Lady Maroons.

Sa men’s division, umiskor si Bryan Bagunas ng 25 points nang masayang ng  titleholder National University ang two-set lead bago pinataob ang  Ateneo, 25-19, 25-20, 19-25, 25-27, 15-10,  para sa ika-9 na panalo sa 10 laro.

“Medyo nag-relax kasi ang mga bata, then, siyempre sinu­werte ang kalaban. Buti na lang noong fifth set naka-recover kami,” ani coach Dante Alinsunurin, kung saan nakagawa ang Bulldogs ng 10 errors sa third set na nag-bigay-daan para mapalawig ng Blue ­Eagles ang laban.

Comments are closed.