Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre, San Juan)
10 a.m.- CSJL vs EAC (jrs)
12 nn.- UPHSD vs JRU (jrs)
2 p.m.- CSJL vs EAC (srs)
4 p.m.- UPHSD vs JRU (srs)
SISIKAPIN ng University of Perpetual Help System Dalta na masustina ang momentum ng pagsilat sa dating walang talong Lyceum of the Philippines University sa kanilang huling laro sa pagsagupa sa kulelat na Jose Rizal University sa 94th NCAA basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Humugot ng lakas kina Prince Eze at Edgar Charcos, ginulantang ng Altas ang pinapaborang Pirates, 83-81, noong Biyernes upang mapalakas ang kanilang ‘Final Four’ bid at mapigilan ang elimination round sweep sa pagpapalasap sa huli ng una nitong pagkatalo makaraang magtala ng 12 sunod na panalo.
Umiskor ang 6’9 na si Eze sa isang putback mula sa sablay na tres ni teammate Tonton Peralta upang ihatid ang Las Pinas-based dribblers sa panalo.
Gumanap din si Charcos ng mahalagang papel sa upset kung saan gumawa siya ng apat na sunod na puntos na nagtabla sa laro sa 81-all at kalaunan ay nagbigay-daan para sa epic winner ng kanyang Nigerian teammate, na itinanghal na Chooks-to-Go/NCAA Press Corps Player of the Week.
Tumapos si Eze na may 25 points, 23 rebounds at 2 blocks sa naturang panalo na nagpalakas din sa kanyang MVP bid laban kay CJ Perez ng LPU.
Sa 12 games, si Eze ay may average na 19.2 points, na pangalawa sa league-leading 20.3 points ni Perez, 17.2 rebounds at 4 blocks, na kapuwa league-highs.
“That was an MVP performance so I guess he made a case for the MVP award,” wika ni Perpetual Help coach Frankie Lim patungkol kay Eze.
Sa iba pang laro ay target ng Letran (8-4) na mapatatag ang kapit sa No. 3 spot sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College (2-10) sa alas-2 ng hapon.
Comments are closed.