LEYTE – DALAWANG araw matapos na i-report na nawawala, ay natagpuang bangkay na ang siyam na taong gulang na batang babae na sinasabing ginahasa muna bago pinaslang sa Carigara.
Ayon sa Leyte Provincial Police Office, patay na nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Amor, 9-anyos, ng Brgy.Guindapunan West, bayan ng Carigara.
Lumalabas sa pagsisiyasat na Lunes ng gabi ay inutusan ang biktima ng kanyang pinsan na i-uwi ang anak nito sa kanilang bahay.
Subalit, makalipas ang ilang oras ay hindi pa bumabalik ang batang babae kaya ini-report na ito sa mga awtoridad hanggang sa makita ang bangkay nito sa tabi ng dagat.
Sa follow-up investigation ay nadakip ng mga pulis Carigara ang suspek na kinilalang si Jomar Canete Pacites nasa hustong gulang at agad na umamin sa krimen.
Lumilitaw na kainuman lamang ng kanyang pinsan ang suspek.
Kumpirmadong nagahasa ang biktima dahil sa ginawang pag-amin ng suspek na kasalukuyang naka-detine sa Carigara Lock up facility. VERLIN RUIZ