BULACAN – SINALAKAY ng mga tauhan ng Bureau of Customs Intelligence Group-Customs Intelligence and Investigation Service ng Manila International Container Port ang siyam na bodega ng bigas na nag-imbak ng libu-libong sako ng imported na bigas sa Balagtas sa lalawigang ito.
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso Enciso, bahagi ito ng kautusan ni Pang. Bongbong Marcos na sugpuin ang smuggling lalo na sa mga produktong agrikultura.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, isang joint anti smuggling operation ang inilunsad ng kanilang mga tauhan katuwang ang Philippine Coast Guard at Department of Agriculture.
Inaalam ngayon kung smuggled o sadyang binili sa murang halaga ang mga nadiskubreng imbak na bigas na pinalabas umanong local produce rice pero posibleng smuggled rice ang mga ito.
Binigyan ng 15-araw ang mga may-ari ng sinalakay na bigasan para makapagpakita ng mga kaukulang dokumento ang ang mga may-ari ng warehouse.
Sinabi ni Enciso, nagkakahalaga ang mga nasabing smuggled rice ng halos P100 milyon kung saan ang ilang warehouse ay nagre-repack at hinahaluan ng mga local rice upang maibenta ng mas mahal.
Agad isasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiska na bigas at kung maaaring kainin ay ibibigay ito sa Department of Social Welfare and Development o kaya naman ay sa National Food Authority upang ibenta ng mura.
Ayon kay Enciso, ikinasa nila ang raid matapos makatanggap na nakaimbak sa mga warehouse ang mga smuggled na imported na bigas.
Aniya, posibleng binili at inimbak ng ilan taon ang bigas habang mababa pa ang presyo nito kung kaya’t ang ilang sako ng bigas ay binubukbok na.
Kakasuhan din ng BOC ng paglabag sa Tariff and Customs Act ang mga may-ari ng nakumpiska na mga bigas oras na napatunayang puslit ang mga ito.
VERLIN RUIZ