9 COASTAL AREAS SA VISMIN POSITIBO SA RED TIDE

BFAR-RED TIDE

SIYAM na coastal areas sa Visayas at Mindanao ang positibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), lagpas sa regulatory limit ang PSP sa naturang mga lugar.

Sa shellfish bulletin na may petsang October 21, sinabi ng BFAR na hindi ligtas kainin ang lahat ng uri ng shellfish at acetes, na kilala rin bilang alamang, sa coastal waters ng Milagros sa Masbate; Sapian Bay (Ivisan at Sapian) sa Capiz; coastal waters ng Roxas City sa Capiz; coastal waters ng President Roxas sa Capiz; coastal waters ng Panay sa Capiz; coastal waters ng Pilar sa Capiz; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at; Lianga Bay sa Surigao del Sur.

Ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimango basta siguraduhin lamang na sariwa at hinugasang mabuti ang mga ito, at tinanggal ang

internal organs tulad ng hasang at bituka bago lutuin.

Ang mga sintomas ng pagkakalason sa red tide ay pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha; pagkahilo; pakiramdam na pagkaparalisa sa kamay at paa; panghihina ng katawan; pagbilis ng pulso; hirap sa pagsasalita, paghinga at paglunok; pananakit ng ulo; pagsusuka; pagtatae at pananakit ng sikmura.