INANUNSIYO kahapon ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pinanumpa na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang siyam na mga bagong Undersecretary ng Department of Social Worker and Development (DSWD).
Kabilang sa mga nanumpa sa Pangulong Marcos sa Malakanyang ay sina Rowena Taduran, Jerico Javier, Maria Salome Navarro, Denise Florence Bragas, Vilma Cabrera, Charles Co, Antonio Crisanto Jr., Eduardo Punay at Alan Tanjusay.
Ang mga bagong opisyal ang makakatuwang ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno para sa mamamayan, lalong lalo na sa mga pinaka-mahihirap na Pilipino.
Kabilang sa mga programang ito ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Targeted Cash Transfer at ang pamamahagi ng tulong at ayuda sa panahon ng mga kalamidad. EVELYN QUIROZ