NAILIGTAS ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa General Mariano Alvarez, Cavite ang siyam na kababaihang biktima umano ng sex trade sa social media habang naaresto ang dalawang human trafficker nito.
Kinilala ang mga naaresto na si Rodel Miranda y Canoy, alias Gigzo at Jesus Manuel Genio y Bustamante, alias, Buboy.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa dalawa mula sa isang confidential informant sa isang social media account na GIGZO ANAP REYES (Gigzo) na sangkot ang mga ito sa human trafficking ng kababaihan.
Nang magsagawa ng surveillance ang NBI- Cybercrime Division (NBI-CCD), nadiskubre na ang nasabing social account ay nagpo-post ng mga litrato ng kababaihan at nag-aalok ng sexual services.
Sa pamamagitan ng isang undercover agent, nakipag-ugnayan ito sa Gigzo gamit ang social media account hinggil sa serbisyo na inaalok nila.
Noong Marso 6, dinala ni Gigzo ang mga babae sa isang apartelle sa GMA, Cavite na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto kabilang ang kanyang kasama matapos tanggapin ang bayad.
Sa pagkakaaresto sa dalawang suspek, na-rescue din ng NBI ang siyam na kababaihan na ngayon ay nasa kustodiya ng DSWD Social Workers.
Kasong paglabag sa R.A. 9208, in relation to R.A. 10175 ang isinampa laban sa naarestong mga suspek.
PAUL ROLDAN