MAGUINDANAO- BITBIT ang kanilang mga sandata, siyam na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nagpasyang sumuko sa pamahalaan sa bayan ng Midtimbang sa lalawigang ito nitong nakalipas na Linggo.
Ayon sa bagong talagang Joint Task Force Central Commander, Maj. Gen. Roy Galido, ang siyam na Islamic terrorist ay nagsalong ng kanilang sandata kay Lt. Col. Samuel Nadala, Jr., commanding officer ng 2nd Mechanized Infantry Battalion at Mayor Datu Tungkang Midtimbang sa batallion headquarters sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang ng nasabing lalawigan.
Kasamang isinuko ng mga rebelde ang isang M16 rifle, isang M14 rifle, isang M1 Garand rifle, isang M79 Grenade Launcher, isang locally-made cal. 50 sniper rifle at isang cal. 45 pistol.
Kasalukuyang sumasailalim sa medical at custodial debriefing ang mga dating rebelde.
Nabatid na mula Enero ay umaabot na sa 146 miyembro ng BIFF ang nagbalik loob sa pamahalaan. VERLIN RUIZ