9 KOREANS TIKLO SA ONLINE BANK FRAUD

Online bank fraud

MAYNILA – ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na may punong tanggapan sa lungsod ng Maynila, ang siyam na Korean sa Angeles City sa Pampanga dahil sa online bank fraud o pagnanakaw ng mga personal at financial information upang makahugot ng pera online.

Iniharap sa media ang mga dayuhan na sina Jung Ju Wan, Kim Tae Yang, Oh Young Seong, Song  Jong  Min, Jin Jun Young, Kim Dae Hyun, Sung Won Kang, Yeong Hak Tak, at Young Jo Choi.

Ayon sa NBI Special Action Unit (NBI-SAU), nag-ugat ang operasyon laban sa mga suspek makatanggap nang impormasyong ang ahensya kaugnay sa ilegal na aktibidad na isinasagawa ng grupo sa dalawang  bahay sa Angeles City.

Modus ng grupo na nakawin ang personal at financial information mula sa telephone fraud/voice pishing ng kanilang mga biktima at inililipat ang impormasyon sa iba’t ibang bank cards.

May mga hawak ding mga pekeng bank cards at password machine ang mga suspek na ginagamit sa paglilipat ng pera mula sa kanilang mga biktima sa iba’t ibang bank accounts na kanilang kontrolado.

Gumagamit din ang mga suspek ng blankong bank cards na ginagamit sa pag-duplicate ng accounts at pag-transfer ng  pera sa ibang account.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng NBI-SAU  ang  tinutuluyan ng mga supek sa Angeles City,  Pampanga  na nagresulta ng kanilang pagkaaresto at pagkumpiska sa  mga computer, laptop, keyboard, computer cables, modem, router, telepono, micro-phones,cards, POS at OTP’s .

Sa pagsalakay, hindi inaasahang nadiskubre din ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias.

Nalaman pa sa beripikasyon ng NBI -International Operations Division (NBI-IOD) na si Tae Yang ay pugante sa Korea dahil sa kasong panloloko. PAUL ROLDAN