SULU-SIYAM na kababaihan na hinihinalang sinanay bi lang mga suicide bomber ang nadakip sa inilunsad na law enforcement operation ng Joint Task Force Sulu katuwang ang Philippine National Police sa lalawigang ito.
Ayon kay Western Mindanao Command chief Lt Gen. Corleto Vinluan, nagsagawa ng sabay-sabay na joint law enforcement operations ang Joint Task Force–Sulu sa pamumuno ni Sulu Commander MGen William Gonzales at mga operatiba ng PNP laban sa mga hinihinalang potential suicide bombers at mga personalidad na may kaugnayan sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Kinilala ang mga nadakip na sina Isara Jalmaani Abduhajan, 36-anyos; Jedah Abduhajan Amin, 28-anyos, at Elena Tasum Sawadjaan-Abun, 40-anyos pawang mga anak ng napaslang na ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan.
Nakuha sa nasabing operation ang ilang sangkap sa paglikha ng Improvised Explosive Device mula kay Isara at Jedah nang isilbi sa kanila ang warrants of arrest sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu. Habang si Elena, na biyuda rin ni ASG sub-leader Walid Abun ay nadakip naman sa Kalimayahan Village, Brgy Latih, Patikul, kasama si Firdauzia Said alyas Firdausia Salvin, biyuda ni ASG sub-leader Mannul Said.
Sa isa pang law enforcement operation sa Brgy Tulay, Jolo, Sulu, naaresto naman ng AFP at PNP units ang mga potential suicide bombers na sina Nudsza Ismanu Aslun—biyuda ni ASG member Alias Jabar at Nurshahada A. Isnain—asawa ng ASG member na kinilala lamang sa Alias Akram, isa sa mga pinagkakatiwalaang taga sunod ni ASG sub-leader Mundi Sawadjaan.
Ilang personalidad pa na nahaharap din sa kahalintulad na habla na paglabag sa R.A. 9516 or Illegal/ Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunition or Explosives na sina Linda Darun Maruji, Risa Jhalil at Sharifa Rajani na pawang naninirahan sa Kalimayahan village, Brgy Latih, Patikul, Sulu.
Kasalukuyang sumasailalim na sa orientation ang ilang nadakip base sa inteligence information na hawak nila bukod pa sa pagkumpirma ng ilang sumukong ASG na ginagawa sa ilang bahay ang mga gagamiting IED .
Mas madali umanong ma-recruit ang mga kababaihan dahil may tanim na galit ang mga ito dahil sa pagkasawi ng kanilang mga magulang o asawa bukod pa sa mahirap na ma-detect kung babae ang gaganap na suicide bombers. VERLIN RUIZ
Comments are closed.