9 LUGAR POSITIBO SA RED TIDE

BFAR-RED TIDE

INIHAYAG ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na siyam na lugar sa bansa ang lumampas sa pinapayagang limitasyon para sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide kamakalawa.

Ayon sa BFAR, ang mga sumusunod na lugar ay positibo sa red tide: Sapian Bay (Ivisan at Sapian sa Capiz; Mambuquiao at Camanci, Batan sa Aklan); baybaying dagat ng Pilar sa Capiz; baybaying dagat ng President Roxas sa Capiz; baybaying dagat ng Roxas City sa Capiz; baybaying dagat ng Gigantes Islands, Carles sa Iloilo; baybaying dagat ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; baybaying dagat ng San Benito sa Surigao del Norte; Lianga Bay sa Surigao del Sur; at Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur

Nagbabala ang BFAR na ang shellfish at Acetes sp. (alamang) mula sa naturang mga lugar ay hindi ligtas kainin. “Maaari namang kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango basta sariwa at huhugasang maigi, at ang mga lamang loob tulad ng hasang at bituka ay siguraduhing natanggal bago lutuin,” ayon sa BFAR.

EVELYN GARCIA