KINAGALAK ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang pagsuko ng siyam na miyembro ng New People’s Army (NPA) na kanyang iniharap sa media sa Camp Crame sa Quezon City.
Ang mga sumuko ay pawang nakatakip ang mukha na minarapat na itago ang pagkakakilanlan ng mga ito upang hindi dumanas ng diskriminasyon at respetuhin ang kanilang karapatang pantao.
“Ganito na lang, hindi ko na babanggitin kung saan province. Sana maunawaan n’yo. Lahat dito magkakaibigan, but what is important here right now ang mensahe na lahat tayo ay magkakapatid dito at hindi kailangan na magpunta ng bundok dahik nandito ang pamahalaan. Ayaw na muna naming sabihin ang kanilang pangalan at kung saan galing na rehiyon,” ayon kay Abalos.
Sa mga siyam na sumuko, sinabi ni Abalos na walo ay opisyal o kumander ng mga rebelde na nais nang maging normal ang pamumuhay.
Tinanggap ng pamahalaan ang pagsuko upang makamit ang kapayapaan at pag-unlad ng bansa lalo na sa kanayunan.
Hindi rin nabanggit ng Kalihim kung ano ang kinasangkutang krimen ng mga sumuko dahil ang mahalaga ay mayroon silang paniniwala sa kasalukuyang gobyerno.
“Eto sila naniniwala, tumitingin na ito na ang pagkakataon kaya iyon ang nagtulak (para sumuko) sa kanila,” ani Abalos.
Batay sa E-CLIP and Amnesty Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, mayroong ayuda ang pamahalaan sa mga rebel returnee.
Sa pagkakataong ito, ilan sa pamahalaan ay naniniwalang malulumpo na ang NPA sa bansa makaraan ang pagkamatay ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison nitong Disyembre 16, 2022, ilang araw bago ang kanilang ika-54 anibersaryo. EUNICE CELARIO