9 NPA UTAS SA JOINT LAW ENFORCEMENT OPERATION

pagbabarilin

WESTERN VISAYAS- SIYAM na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa isinagawang joint law enforcement operation ng Philippine National Police at Philippine Army  habang 15 iba pa ang dinampot sa Iloilo at Capiz.

Sa impormasyong ibinahagi ni  Brig. Gen. Rolando Miranda, regional director ng Police Regional Office 6, isinagawa ang operasyon sa dalawang barangay sa Calinog, Iloilo at pitong barangay sa Tapaz, Capiz katulong ang mga elemento ng Philippine Army 3rd Infanty Division .

Target ng mga awtoridad ang paghahain ng  28 search warrant na inisyu ng korte para sa kasong illegal possession of firearms and explosives subalit sinasabing pinaputukan ang mga alagad ng batas kaya nauwi ito sa enkuwentro.

Sa inisyal na ulat , siyam na  rebelde ang napatay sa matapos manlaban umano nang isinilbi ang search warrant sa Tapaz, Capiz.

Nabatid kay Col. Julio Gustilo, director ng Capiz Police Provincial Office, law enforcement operation ang inilunsad katulong ang mga sundalo.

Narekober din sa lugar ang mga hindi lisensiyadong mga matataas na kalibre ng armas at granada.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang operasyon ng mga awtoridad.

Sinasabing pawang mga katutubo o Indigenous People na naninirahan sa isang barangay sa Panay Island ang napatay sa Rizal Day joint police and military operation at kasapi ng Tumanduk nga Mangunguma nga Nagapangapin sang Duta kag Kabuhi (Tumanduk) na binubuo ng 17 indigenous peoples communities sa Tapaz.

Ayon sa PNP-CIDG ang mga napaslang ay mga NPA na nanlaban mula sa mga barangay  Tapaz, Lahug, Nawayan, Tacayan, Aglinab, Acuna at Daan Sur.

Isang pulis ang nasugatan sa nasabing operation. VERLIN RUIZ

Comments are closed.