9 PATAY SA SUNOG SA PASAY

bala nasunog

PASAY CITY – SI­YAM katao na pawang magpapamilya ang namatay matapos na ang mga ito ay ma-trap sa kanilang dalawang palapag na bahay na nasusunog dahil sa posibleng naiwang nakasaksak na computer  sa  Pasay City  kahapon ng madaling araw.

Ang mga nasawi na naninirahan sa unang palapag ng bahay ay ang pamilyang Guablas  na nikilalang sina Julie, 46; Rhea, 40; Julius, 39; Nichole 9; Jurick Andrea, 3, samantalang ang mga nasawi sa pamilyang Calma na naninirahan sa ikalawang palapag ng bahay ay nakilalang sina ­Michael, 44; Mark Joseph, 23; John Clark, 17, at ­Andrew James, 11.

Nakaligtas naman ang ina ng tahanan ng pamilya Calma na si Jasmine matapos itong tumalon sa bintana.

Ayon sa inisyal na report na natanggap ni Sr. Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, naganap ang sunog dakong 2:00 kahapon ng madaling araw sa  #336 Almazor St., Brgy. 185, Maricaban ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa pahayag ni Jasmine bago ang sunog ay nagising siya dahil  sa amoy usok at inakala nito na may nagsisiga lamang sa labas.

Dagdag pa ni Jasmine na nang tingnan niya sa ibaba ng bahay ay agad niyang napansin na malakas na ang apoy at  usok mula sa nakasaksak na computer.

Kaagad namang ginising ng ginang ang mister na si Michael na maari ring nakaligtas sa sunog ngunit binalikan nito ang kanilang mga anak kung kaya’t kasama na rin itong na trap kasama na ang pamilyang Guablas.

Ayon pa kay Jasmine ay narinig niyang su­misigaw ang kanyang mister na si Michael ngunit wala na siyang magawa at humingi na lang ng saklolo sa mga natutulog na kapitbahay.

Sa pahayag ng Pasay City Bureau of Fire Protection, dahil makipot ang daan ay nahirapan ang kanilang mga truck na makapasok sa lugar at mabilis na kumalat ang apoy kung kaya’t hindi na nagawang maisalba  ang mga biktima.

Sa assessment ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), tatlong sunog na bangkay ang natapuan sa CR, dalawa sa 2nd floor, isa sa kusina, isa sa kuwarto at dalawa sa ibaba palabas ng bahay.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at alas-3:14 ng madaling araw nang ideklara itong fire under control ng mga bumbero.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung magkanong halaga ng mga ari-arian ang napinsala at inaalam rin nila kung ang pinagmulan ba ng apoy ay mula sa naiwang nakasaksak na computer.  MARIVIC FERNANDEZ