SIYAM na kompanya sa Pilipinas ang pasok sa ‘100 to Watch’ List ng Forbes Asia.
Ayon sa Forbes, ang listahan ngayong taon ay tinatampukan ng maliliit na kompanya at startups na tinatarget ang underserved markets o gumagamit ng mga bagong teknolohiya.
Ang mga kompanya ay pinili base sa kanilang positive impact sa rehiyon o industriya. track record ng malakas na revenue growth o kakayahang makaakit ng pagpopondo, promising business models or markets, at isang persuasive story.
Ang mga kompanya sa Pilipinas na pasok sa ‘100 to Watch’ List ng Forbes Asia ay ang Edamama, Kindred, Kraver’s Canteen, Packworks, Peddlr, SariSuki, Shoppable Business, Sprout Solutions, at TANGGapp.
Ang Edamama ay nag-aalok sa Filipino mothers ng baby gear, home goods at iba pang lifestyle products.
Ang Kindred ay isang women’s health clinic kung saan maaaring kumonsulta ang mga pasyenyte sa mga espesyalista sa psychological health, at fertility care, at maaaring magpabakuna laban sa sexually transmitted diseases.
Samantala, ang Kraver’s Canteen ay isang food delivery service na nag-aalok sa mga customer ng mahigit 1,000 meal options.
Tumutulong naman ang Packworks sa mga sari-sari store owner na i-manage ang kanilang inventory, mangalap ng sales data, itala ang kanilang presyo, at ikonekta sila sa fast-moving consumer goods companies.
Samantala, ang Peddlr ay tumutulong sa maliliit na negosyo na lumikha ng online storefront, habang sa pamamagitan ng website at app ng SariSuki, ang mga customer ay maaaring mag-order ng mga sariwang produkto mula sa local farms.
Layon ng Shoppable Business na tulungan ang mga negosyo sa Pilipinas na bumili ng branded products sa pagberipika sa kanilang authenticity.
Ang Sprout Solutions ay may website at app na sumusuporta sa payroll automation at data-driven analytics para sa mga employers, at tinutulungan silang ipamahagi ang salary advances sa mga empleyado.
Ang TANGGapp ay isa namang online payments startup na tumutulong sa mga customer na magpadala ng pera mula sa Pilipinas mula United States.