9% POVERTY INCIDENCE RATE, TARGET NG MARCOS ADMIN – GADON

TARGET ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na maging 9 porsiyento ang poverty incidence rate sa pagtapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sa isang panayam ng PILIPINO MIRROR, sa pagdaraos ng “Collective Efforts in Poverty Alleviation’ Forum sa Makati City, sinabi ni Gadon na kayang tugunan ng gobyernong Marcos na malansag ang kahirapan sa  pakikipagtulungan ng ibat-ibang sangay ng pamahalaan sa pamamagitan ng one government approach.

Aniya nito lamang Hunyo ng kasalukuyang taon, may naitala ng 15 porsiyentong pagbaba ng kahirapan sa bansa kung saan nabatid na may pag angat ng savings sa mga bangko ang mamamayan base na rin sa mga datos ng mga bangko at pagdami rin ng mga sasakyan.

Bukod pa rito, tumaas din ang bilang ng mga estudyanteng dati ay umaasa sa 4Ps o subsidies ng gob­yerno kung saan ngayon ay kasalukuyang may mga trabaho sa ibat ibang kumpanya sa tulong na rin ng TESDA.

Binigyang diin ni Gadon ang mga ginagawang inisyatibo ng pamahalaan para paigtingin ang dekalidad na edukasyon tungo sa maunlad na bansa.

Ginawa kahapon ang programa upang malaman ang kasalukuyang at magagawa pang programa sa ilalim ng OPAPA katuwang ang government agencies na nagtutulu­ngan para mapababa ang kahirapan sa buong bansa.

Kabilang ani Gadon sa mga ahensiyang kanilang katulong ay ang National Economic Development Authority (NEDA), Department of Agriculture (DA), Phi­lippine Statistics Authori­ty (PSA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), Philippine Health Insurance Corp. (PHILHEALTH) at maging ang Asian Development Bank (ADB).

Sa kasalukuyang, pinakamahirap na lugar ang bahagi ng Bangsa­moro Autonomous Region in Muslim Min­danao (BARMM) habang pumangalawa naman ang Region 9.

“Lahat ng ito ay para sa Pilipino, lahat ng ito ay para sa Bagong Pilipinas,” saad pa ni Gadon.

BENEDICT ABAYGAR, JR.