9 PULIS DAWIT SA PAGKAMATAY NG KABARO

BUKIDNON- SIYAM na tauhan ng Philippine National Police ang nadawit ngayon sa pagkamatay ng isa nilang kasamahan sa lalawigang ito.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pansamantalang inilagay sa restrictive custody ang siyam na pulis ng Regional Mobile Force Battalion 10 na nakabase sa Bukidnon.

Nabatid na isasalang sa imbestigasyon ang siyam na pulis para mabigyang linaw ang pagkamatay ng isa nilang kasamahan.

Una rito, nadiskubre ng mga awtoridad ang wala nang buhay si Patrolman Jeffrey Dabuco sa Wao river Lanao del Sur na may mga sugat.

Agad na ipinag-utos na isalang sa medico legal examination ang bangkay ng biktima na nakitang may sugat sa ulo.

Unang idineklarang nawawala si Dabuco nitong Hunyo 23.

Sa report ni Maj. Joanne Navaro, tagapagsalita ng Police Regional Office 10 sa Kampo Krame ang 9 na pulis ay mga huling nakitang kasama ni Dabuco.

“Last siyang nakita sa loob ng kanyang quarters sa patrol base. Importante na ating tingnan at malaman kung ano ba talaga ang nangyari before, during, and after na idineklarang missing siya,” ani Maj Navarro.

Isa sa mga tinitignang anggulo ng mga imbestigador ang personal na alitan o hindi pagkakaintindihan sa trabaho. VERLIN RUIZ