SUMUKO sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Detection Special Operations Unit sa Camp Crame, Quezon City ang siyam na akusado sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at pagkasugat ng security aide nito noong Marso 8, 2021.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, kasalukuyang nasa DSOU custodial facility ang mga suspek na sina Shyrille Tan, Harry Sucayre, Julius Garcia, Julio Armeza, Nino Salem, Dino Goles, Edsel Omega, Neil Cebu at si Randy Merelos.
Nagpalabas na ng warrants of arrest na may petsang Pebrero 14, 2022 si Judge Cicero Tuazon Lampasa ng Regional Trial Court Branch 32 ng Calbayog City, Samar.
Nakasaad sa warrants of arrest na ang mga akusado ay may apat na separated criminal case ng Murder na walang piyansa habang ang kasong Frustrated Murder ay may recommended bail na P200,000.00 bawat isa.
Sina Tan, Omega at si Cebu na pawang police officer ay sinibak na sa serbisyo alinsunod sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service at inaprubahan ng Chief PNP noong Nobyembre 2021 habang ang ipa ay naka-Leave of Absence Without Pay status.
Ayon kay Carlos, kinokonsiderang Persons Under Police Custody ang mga akusado habang hinihintay ang kautusan ng hukuman. MARIO BASCO