9 TERORISTA BULAGTA SA ENGKUWENTRO

CAMP VICENTE LIM – SIYAM na hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG’s) sa Calabarzon Area ang nasawi habang anim pa sa mga ito ang naaresto sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon nang pinagsanib na puwersa ng PRO4A, CIDG 4A/NCR, Special Action Force (SAF) at 202nd Brigade (PA) sa lalawigan ng Ca­vite, Batangas, Rizal at Laguna.

Base sa ulat ni OIC Public Information Officer (PIO) PMaj. Mary Anne Crester Torres kay PRO4A Calabarzon Director PBGen. Felipe Natividad, isinagawa ang magkakahiwalay na Peaceful Implementation ng 24 na Search Warrants laban sa hinihinalang mga rebelde nitong Linggo ng madaling araw.

Nakilala ang siyam na napatay na sina Emmanuel Araga Asuncion, residente ng Salitran I, Dasmarinas, Cavite;mag-asawang Ariel Evangelista at Ana Mariz, ng Bgy. Calayo, Nasugbu, Batangas; Melvin de Guzman, Calec Buds Bacasno, alias Mac Mac/ Happy, pawang mga residente ng Bgy. San Jose, Rodriguez, Rizal; magkapatid na Puroy Bermehedo at Randy Bermehedo, alias “Palong”, ng Bgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal at magkaanak na sina Edward Damas at Abner Damas Rodriguez, pawang mga residente ng Bgy. Puray, Rodriguez, Rizal matapos na kumasa sa mga awtoridad nang ihain ang search warrants.

Samantala, tatlo naman sa anim na naaresto ay nakilalang sina Esteban Larwa Esteban, Elizabeth Camoral, pawang mga residente ng lungsod ng Cabuyao at isang Joan Castro Efren, alias “Joan Ignacio Efren”, ng San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Nakumpiska ng pulisya sa mga suspek ang assorted firearms and explosives na umano’y ginagamit ng mga itong panlaban sa puwersa ng pamahalaan.

Lumilitaw sa ulat na bukod sa siyam na nasawi at anim ang naaresto, may siyam pa ang nakatakas.
Isinagawa ng pulisya at militar ang nabanggit na operasyon bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa inaasam na kapayapaan sa buong bansa na nakapaloob sa Executive Order No. 70.

“We have to act together to end the 51 year-old communist insurgency in the country. This is just one of the many initiatives and programs of the present government, and the Philippine National Police together with our counterparts in the Armed Forces of the Philippines,” ani Natividad. DICK GARAY

Comments are closed.