9 TIMBOG SA P8.9-M SMUGGLED CIGARS

ZAMBOANGA CITY – ARESTADO ang siyam na crew ng motorized boat makaraang makumpiskahan ng P8.9 milyong halaga na smuggled cigarettes sa karagatang sakop ng Brgy. Ayala sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.

Base sa ulat, nagsasagawa ng seaborn patrol ope­ration ang pinagsanib na puwersa ng 2nd ZCMFC kasama ang Bureau of Customs Intelligence and Investigation Service at Enforcement and Security Service nang maispatan ang kahina-hinalang motorized vessel na naglalayag sa kadiliman ng panahon.

Kaagad na pinahinto ng mga awtoridad ang motorized boat kung saan bumulaga sa mga awtoridad ang 255 kahon at 87 reams ng smuggled cigarettes na naglalaman ng Wilson White, Cannon Menthol, Fort Red, Fort White at New Orleans White.

Kaagad na kinumpiska ang smuggled cigarettes na may market value na P8, 925, 000.00 habang inaresto naman ang 9 na crew na sina Alsid Dalisan, Faisal Sangkula, Abduridjan Anni, Gaspar Susulan, Almijir Salapuddin, Bennajir Mikael, Nilson Hapas, Almujeb Abdulgari, at si Abdulhamik Mikaek.

Nabatid na walang maipakilang kaukulang dokumento ang mga suspek kaugnay sa nasabat na produkto kaya dinala ang smuggled cigarettes sa custody ng Bureau of Customs habang isinailalim naman sa tatical interrogation ang siyam na crew. MHAR BASCO