PALAWAN- ISANG rescue mission ang inilunsad ng Armed Forces of the Philippine-Western Command gamit ang Philippine Navy BRP Gregorio del Pilar para iligtas ang siyam na tauhan ng Tubbataha Ranger Station sa Cagayancillo sa lalawigang ito.
Sa ulat na nakalap mula sa himpilan ng AFP-WESCOM na pinamumunuan ni Navy Vice Admiral Alberto Carlos, kabilang sa siyam na nailigtas ang tatlong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), dalawang miyembro ng Philippine Navy at apat na sibilyan na nagmamando ng Tubbataha Ranger Station sa Tubbataha Reef, Cagayancillo, ng nasabing lalawigan.
Nabatid na nagpadala ng distress call ang mga ito nang simulang wasakin at hampasin ng malalakas na hangin at alon ang binabatanyan nilang Tubbataha Ranger Station.
Nang matanggap ng WesCom ang paghingi ng saklolo, agad idineploy ng WesCom Commander ang BRP Gregorio del Pilar para magsagawa ng rescue operation.
Sa gitna ng masamang lagay ng karagatan ay nagawang maisakay ng mga tauhan ng Philippine Navy ang mga stranded na tauhan ng ranger station maging ang kanilang mga kagamitan. VERLIN RUIZ