9 WANTED SA IBA’T IBANG KASO NALAMBAT

CAVITE – SIYAM katao kabilang ang provincial at regional Level MWP na nasa talaan ng ‘Wanted Person’ na may iba’t ibang kasong kriminal sa lalawigang ito ang nalambat ng pinagsanib na puwersa ng pulisya kamakalawa.

Sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, kabilang sa mga wanted person na nasakote ay sina Janet Tolentino y Reyes na may kasong 2 counts ng Falsification of Official Documents sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite; Baltazar Robles y Castro ng Brgy. Biga 1 sa bayan ng Silang at may inisyuhan ng warrant of arrest ni MCTC Silang Judge May Hazel Medija Tagupa sa kasong Damage to Property.

Arestado rin si Herbert Oliveros y Habla ng Brgy. Bayanan, Bacoor City na may warrant of arrest sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property sa ilalim ng CC #M-MKT-21-02931-CR habang si Bernardo, Ernesto y Molina naman na may warrant of arrest din sa Cavite City ay nasakote sa kasong “Other Forms of Swindling”.

Maging ang wanted person na si Randy Baradero y Maestro na may warrant of arrest na inisyu ni RTC Judge Arnold Rimon Martinez ay nasakote ng pulisya sa kasong 2 counts of Statutory Rape sa Brgy. Silangan 1, Rosario, Cavite, habang si Michael Rotoni y Garcia na may kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) sa Imus City, Cavite ay nalambat sa Brgy. Zone 2, Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Kalaboso rin ang akusadong si Ricardo Oltiano y Penarubia sa Brgy. San Roque, Cavite City sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property, samantala, si Von Howard Deluna y Panganiban na nakatala bilang provincial level Most Wanted Person sa kasong RA 9165 na may warrant of arrest na inisyu ni Judge Matias M. Garcia II ng Bacoor City RTC Branch 19 ay arestado sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Samantala, si Rhealou Nistal na nasa talaan ng wanted person sa kasong Estafa ay nasakote rin sa Brgy. Poblacion 3B, Imus City. MHAR BASCO