PABOR ang Philippine National Police (PNP) sa panukalang batas na ibaba sa 9-taong gulang ang criminal liability o edad ng mga batang nasasangkot sa iba’t ibang krimen.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na hindi sila tumututol kapag naging ganap nang batas ang naturang panukala.
Gayunman, nilinaw nito na dapat ding tignan kung biktima rin ang mga bata ng pagkakataon na karamihan ay nasasangkot sa rape case at ilegal na droga.
Dapat din aniyang tignan ang sistema ng gobyerno kung dapat nga bang ipatupad ang naturang panukala.
Karamihan aniya ang age bracket na nasasangkot sa krimen ay may edad na 8 hanggang 12 taong gulang.
Sinabi pa ni Albayalde na ang kakulangan ng edukasyon mula sa mga magulang at kapabayaan ang dahilan kaya ang mga bata ngayon ay nasasangkot sa krimen.
Dagdag pa ng heneral na dapat ang mga magulang ang siyang magtuturo sa kanilang mga anak ng tamang pagdisiplina upang hindi sila mapa-pariwara.
Paliwanag ni Albayalde noong taong 2016 hanggang 2018 umaabot sa 12,139 ang mga batang sangkot sa iba’t ibang krimen.
Ang panukala ay una ng pumasa sa Mababang Kapulungan at patuloy na dinidinig sa Senado. PAUL ROLDAN
Comments are closed.