90% NG MEDICAL FRONTLINERS GUMALING NA SA COVID-19

frontliners

INIULAT ng Department of Health (DOH) na mahigit na sa 90% ng mga medical frontliners sa Pilipinas na na-infect ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang guma­ling na mula sa karamdaman.

Batay sa datos na inilabas ng DOH nitong Linggo ng gabi, nabatid na kabuuang 5,008 ang healthcare professionals na dinapuan ng virus sa bansa.

Sa naturang bilang, 91.35% o kabuuang 4,576 health workers na ang nakarekober mula sa karamdaman hanggang nitong Agosto 1, Sabado.

Ayon sa DOH, mas mataas ang naturang bilang ng 1,120 kumpara sa bilang na naitala noong nakaraang linggo.

Gayunpaman, iniulat rin ng DOH na may dalawa pang medical frontliner na dinapuan ng virus ang binawian ng buhay noong nakalipas na linggo sanhi upang umabot na sa 38 ang kabuuang bilang ng medical frontliners na nasawi dahil sa COVID-19.

Sa kasalukuyan, mayroon pa rin umanong kabuuang 394 na healthcare professionals na nilalapatan ng lunas dahil sa virus sa iba’t ibang pagamutan.

Nabatid na kabilang naman sa  medical professions na dinapuan ng COVID-19 ay nurses (1,734), doctors (1,100), nursing assistants (338), medical technologists (210), at radiologic technologists (119).

Ayon sa DOH, hanggang 4:00 PM nitong Linggo, Agosto 2, nakapagtala na ang DOH ng 103,185 total COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang bilang, 2,059 ang binawian ng buhay habang 65,557 naman ang gumaling na mula sa sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.