UMAABOT sa 90 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos tupukin ng apoy ang nasa 30 kabahayan sa isang residensiyal area sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Valenzuela City Fire Marshal Supt. Rodrigo Reyes, bandang alas-6:50 ng gabi nang biglang sumiklab ang sunog sa isang residensiyal area sa Telecom Compound, Champoy 2, Brgy Marulas sa hindi pa malaman na dahilan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang mga kabahayan na pawang mga gawa sa light materials kaya’t agad itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog sa ikaapat na alarma alas-7:02 ng gabi.
Bandang alas-8:23 ng gabi nang ideklarang under control ng BFP ang sunog at tuluyang naapula alas-10 ng gabi.
Ayon sa Arson investigator, walang napaulat na nasaktan o nasawi sa insidente na tinatayang nasa P500,000 halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Kaagad namang nagpaabot ng pangunahing tulong si Mayor Rex Gatchalian tulad ng pagkain, malinis na tubig, banig, kumot at modular tents para pansamatalang tuluyan ng mga pamilyang nasunugan. VICK TANES