TARLAC- PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga nasa likod ng sinalakay na suspected illegal Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub sa Bamban sa lalawigang ito.
Sinasabing nasa 900 biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga tauhan ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) katuwang ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa ginawang pagsalakay sa POGO hub sa bayan ng Bamban ng nasabing lalawigan.
Nag-ugat ang pagsalakay ng mga tauhan ng pamahalaan sa reklamo ng isang Vietnamese national na nakatakas matapos umanong pagmalupitan sa loob ng POGO compound, ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesperson Winston Casio.
Ayon sa ulat, na-rescue ng PAOCC at CIDG ang 371 Filipinos, 432 Chinese, walong Malaysians, 57 Vietnamese nationals, tatlong Taiwanese nationals, dalawang Indonesians, at dalawang Rwandans na pawang pinaniniwalaang POGO workers.
Bukod sa PAOCC at CIFG ay tumulong din sa nasabing massive operation ang mga operatiba ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group, PNP Intelligence Group at Northern Luzon Command ng AFP.
Ito ay matapos na maglabas ng dalawang warrant of arrest si Bulacan Executive Judge Hermenegildo Dumlao ng Bulacan RTC branch 81 laban sa mga opisyal at kawani ng internet gaming licensed hub Zun Yuan Technology Incorporated dahil umano sa trafficking in persons at serious illegal detention.
Nag-ugat ang operasyon matapos maghain ng reklamo ang isang Vietnamese national na nakatakas sa nasabing pasilidad nitong Pebrero 28 habang nagpasaklolo rin ang isang Malaysian national dahil kinukulong umano sila sa compound na kanilang pinagtatrabahuhan.
Nabunyag din na bukod sa online games ay sangkot din ang sindikato sa “Love Scam” base sa mga nakuha ang mga ito na scripts na tulad nang ginamit sa iba pang POGO hubs na sangkot sa love scam.
Samantala, kasalukuyan nang sinusuri ng PNP-CIDG at Bureau of Immigration ang mga nasagip na dayuhan ng mga operatiba para sa proper immigration documents ng mga ito.
“The persons found in the compound are now being interviewed for profiling purposes,” ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) director Undersecretary Gilbert Cruz
May nakumpiska rin na iba’t ibang kalibre ng baril sa loob ng Pogo office.
Sinabi pa ni Cruz na kumukuha ngayon ng cyber warrant ang PNP Anti-Cybercrime Group para masuri ang mga nasamsam na mobile phones.
VERLIN RUIZ