MAAARI nang makakuha ng tulong at suporta sa pagsisimula ng negosyo o pagpapalago ng kabuhayan ng pamilya ang mga taga-Carmen, Agusan del Norte ngayong bukas na ang ika-900 Negosyo Center sa bansa na makikita sa nasabing munisipalidad.
“900 na ang mga Negosyo Center na handang tumulong sa mga kababayan nating nais magnegosyo at magkaroon ng kabuhayan. Lahat po ay welcome kaya bumisita na kayo,” wika ni Senador Bam, principal sponsor at author ng Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act.
Matatagpuan sa munisipyo, ang pinakabagong Negosyo Center ay pinasinayaan nina Carmen Mayor Ramon Calo, kasama ang iba pang lokal na opisyal, Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Zenaida Maglaya at iba pang mga opisyal galing sa iba’t ibang ahensiya.
Ang unang batas ni Aquino noong 2014, itinatakda ng Go Negosyo Act ang pagtatayo ng Negosyo Centers sa lahat ng munisipalidad, siyudad at mga lalawigan na tutulong sa micro, small at medium enterprises sa bansa.
Sa pamamagitan ng Negosyo Center, maiuugnay ang mga negosyante sa mas malalaking merkado, mas mabilis ang pagpaparehistro ng isang negosyo, at maikokonekta sila sa pagkukunan ng kapital at pautang.
Ayon sa senador, malaki ang papel ng Negosyo Centers para matupad ang pangarap ng maraming Filipino na magtayo ng sariling negosyo para sa kanilang ikabubuhay.
“Malaking bagay ang ating Negosyo Centers para mabigyan ng karampatang tulong ang ating mga kababayan na nais magnegosyo,” aniya pa.
“Maliban pa rito, makatutulong din ang Negosyo Center para mabigyan ng suporta ang mga kababayan nating nais kumita ng extra, lalo ngayong mataas ang presyo ng bilihin,” dagdag ni Aquino na matagal nang isinusulong ang kapakanan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs). VICKY CERVALES
Comments are closed.