UMAABOT na sa 91.2% ng kabuuang bilang ng mga pasyenteng dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ang nakarekober na mula sa karamdaman.
Ito ay batay sa case bulletin #248 na inilabas ng Department of Health (DOH) ganap na 4PM nitong Martes, Nobyembre 17.
Ayon sa DOH, nakapagtala pa sila ng 1,148 na karagdagang kaso ng COVID-19 kaya’t sa kabuuan ay 410,718 na ang COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 91.2% o 374,543 na ang nakarekober matapos na makapagtala pa ng 186 bagong gumaling sa karamdaman.
Nasa 6.9% naman o 28,313 na lamang ang aktibong kaso ng sakit, kasama rito ang 83.6% na mild cases, 8.2% na asymptomatic, 5.1% na kritikal at 2.9% na severe cases.
Pinakamadami pa rin sa mga naitalang bagong kaso ng sakit sa Cavite, na nasa 88; Quezon City na nasa 52; Rizal na nasa 46; habang ang Baguio City at Maynila ay nakapagtala ng tig-44 bagong kaso.
Samantala, nadagdagan rin ng 23 ang bilang ng mga namatay sa virus kaya’t 7,862 na ang COVID death toll ngayon sa bansa.
May apat namang duplicates ang inalis mula sa total case count, kasama rito ang isang nakarekober na kaso.
Mayroon ring walong unang iniulat na nakarekober ngunit malaunan ay nakumpirmang binawian pala ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.