91.7% NG COVID-19 CASES GUMALING

covid patient

INIULAT ng Department of Health (DOH) na 91.7% na ng kabuuang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitala sa bansa ang gumaling na mula sa karamdaman.

Batay sa case bulletin no. 255 na inilabas ng DOH, nabatid na hanggang 4PM nitong Nobyembre 24, nakapagtala pa sila ng panibagong 1,118 karagdagang kaso ng COVID-19.

Dahil dito, umaabot na sa kabuuang 421,722 ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa naturang bilang, 91.7% o 386,792 pasyente na ang gumaling, matapos na madagdagan pa ng 196 bagong recoveries hanggang araw ng Martes.

Pinakamarami namang naitalang bagong kaso ng sakit sa Caloocan City na nasa 89; sumunod ang Davao City at Laguna na nasa 52; Quezon na nasa 47 at Quezon City na nasa 46 naman.

Ayon sa DOH, nasa 6.3% na lamang o 26,745 sa kabuuang COVID-19 cases, ang nananatili pang aktibong kaso, kabilang dito ang 83.7% na mild cases, 7.9% na asymptomatic cases, 5.3% na kritikal, 2.8% na severe at 0.25% na moderate.

Samantala, nasa 1.94% na ng kabuuang kaso ng COVID-19 o 8,185 ang sinawimpalad namang bawian ng buhay dahil sa virus matapos na makapagtala pa ng 12 pasyente na namatay hanggang kahapon.

“Ngayong 4 PM, Nobyembre 24, 2020, ang Department of Health ay nakapagtala ng 1,118 na karagdagang kaso ng COVID-19. Samantala ay mayroon namang naitalang 196 na gumaling at 12 na pumanaw,” anang DOH. “Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 6.3% (26,745) ang aktibong kaso, 91.7% (386,792) na ang gumaling, at 1.94% (8,185) ang namatay.”

Ayon sa DOH, mayroon ding 10 duplicates ang inalis mula sa total case count, at sa naturang bilang, dalawa pang recovered cases.

May anim pang kaso ang unang iniulat na nakarekober ngunit malaunan ay nakumpirmang binawian pala ng buhay.

Mayroon namang 11 laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) nitong Nobyembre 23, 2020. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.