NAGSIMULANG tanggalin ng Australia’s Defense Department ang 913 surveillance cameras, videos at iba pang electronic systems na gawa ng mga kompanyang may ugnayan sa Chinese Communist Party na nakakabit sa mga gusali ng kanilang gobyerno kung saan inihalintulad nila ang hakbang na ginawa ng US at Britain.
Base sa Australian newspaper na nailathala nitong nakaraang Linggo, ang cameras, intercoms, electronic entry systems at video recorders na developed at manufactured ng Chinese companies na Hikvision at Dahua ay kasalukuyang nakakabit sa mga gusali ng Australian government at agencies offices kabilang ang Defense Department at Department of Foreign Affairs and Trade.
Nabatid sa ulat na ang mga kompanyang Hikvision at Dahua ay partly owned ng China’s Communist Party-ruled government kung saan pansamantalang hindi muna nagbigay ng komento ang China’s Embassy sa ginawa ng Australian government.
Pinasusuri at pinatatanggal ni Defense Minister Richard Marles ang mga nakakabit na surveillance technology sa kanyang departamento, ayon sa kanyang pahayag sa Australian Broadcasting Corp.
Lumilitaw na nadiskubre sa ginawang audit na ang Hikvision at Dahua cameras at security equipment ay nakakabit sa mga departamento at maging sa Australian War Memorial and National Disability Insurance Agency maliban sa opisina ng Agriculture Department at Department of Prime Minister at mga cabinete nito.
“Wala tayong kaalaman kung ang mga sensitive information, images at audio collected ng mga security devices na ito ay sekretong naipapadala sa China laban sa interes ng Australian citizens,” pahayag ni opposition cybersecurity spokeman James Paterson.
Magugunita na nitong Nobyembre 2022 ay sinimulan ng US government na ipagbawal ang telecommunications at video surveillance equipment mula sa ilang prominenteng Chinese brands na Hikvision at Dahua upang protektahan ang communications network ng bansa.
Maging ang British government ay ipinagbawal ang paggamit ng security cameras na gawa ng Hikvision sa mga gusali ng pamahalaan nitong nakaraang taon. MHAR BASCO