92 -ANYOS NA LOLA OLDEST SURVIVOR NG COVID-19

Isko Moreno

ISANG 92-anyos na lola mula sa Pandacan, Maynila ang pinakamatandang gumaling sa COVID-19 mula sa ospital na pinatatakbo ng lungsod.

Nabatid na tinalo nito ang naunang rekord na 80-anyos na na-confine ng 44 na araw at gumaling.

Ito ang tuwang-tuwang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng kanyang pasasalamat sa mga doktor, nars at staff ng Sta. Ana Hospital at sa  direktor nitong Dr. Grace Padilla dahil sa matagumpay na pagpapagaling sa pasyenteng si Amanda Morales, kabilang na ang mga miyembro ng pamilya nito na tinamaan din ng COVID-19.

Ayon pa kay Moreno, si Morales ay mayroong pre-conditions ngunit sa pamamagitan ng mabuting pag-aalaga at mahusay na health facili-ties, siya ay gumaling matapos ang 12-araw ng patuloy na gamutan sa nabanggit na ospital.

“Congrats lola ko, ingat ka na next time ha. I’m happy for you. Salamat sa Diyos.  Hold on ka lang, after eight years may P100,000 ka na-man sa city government.  Sana mabisita ko kayo someday,” sabi ni Moreno.

Sinabi pa ng alkalde na ang paggaling ni Morales ay nagsilbing inspirasyon sa kanya at sa pamunuan ng pamahalaang lungsod ng Maynila upang higit pang palawakin ang mga paraan kung paano makapagliligtas ng   buhay at mapaunlad ang health care system ng lungsod, pasilidad at suporta na ibinibigay sa mga medical  frontliners.

“Every Manileno saved is one step closer to success. Ample care and better health care facilities is the only way so far.  Di ba tayo kinaaawaan ng Diyos niyan? This should be an inspiration for us. Me failure, me success… all is part of the challenge and there will be more uncertaintities in this pandemic,” ayon pa kay Moreno.

Base sa impormasyong nalaman ni Moreno, nabatid na si Morales ay hindi lumalabas ng bahay dahil na rin nabibilang ito sa high-risk age group, bilang senior citizen.

Gayunpaman, ang kanyang mga anak at apo ang siyang lumalabas na posibleng dahilan ng pagkakahawa nito ng  COVID-19.

Dahil dito, muling inulit ng alkalde ang kanyang paalala sa mga pinapayagang lumabas sa ilalim ng pinaiiral na quarantine na lumabas lamang ng bahay kung kinakailangan at pairalin ang ibayong pag-iingat upang makatiyak na hindi madala ang virus sa bahay at hindi mahawa ang mga mahal sa buhay. VERLIN RUIZ

Comments are closed.